Skip to main content

Gay life in the Philippines



Mga baklang "salot" sa lipunan

Even if you are straight, I dare you read on. H'wag kang bakla

Ang usapin tungkol sa homosekswalidad ay isang napaka-kontrobersyal na usapin, isa sa mga pinag-uusapan na kalimitang nagdudulot ng debate. Sa artikulong ito nais kong magbigay ng direktang pokus sa mga isyu tungkol sa mga bakla o yung mga lalaki na kabilang sa third sex o homosekswalidad. 

Mas madali sanang maisulat ito sa wikang Ingles dahil sa mga ilang translasyon at terminohiya na mahirap o walang katapat na pagsasalin mula sa orihinal na salita ng Ingles, dahil dito nais kong ihatid sa abot ng aking makakaya ang lahat ng bagay tungkol dito sa pamamagitan ng paggamit ng wikang Filipino. 

Maraming resources na nagbibigay ng edukasyon ukol sa homosekswalidad, karamihan ay nasa wikang Ingles, (they’re all good articles and case studies) na marami pa din sa mga Pilipino ang walang kakayanang maintindihan ng buo ang mensahe – na sa aking pananaw ay ito pa rin ang isa sa mga pinaka-dahilan na kaya nama’y napaka-rami pa din ang homopobhic sa Pilipinasmay maling paniniwala, o yung may galit at takot ng patungkol sa isang homosekswal na tao (bakla o binabae). 

Ang mga ilan sa mga nakasulat ang mga bagay ukol sa: 

  • Kahulugan ng salitang homosekswal o bakla,
  • Ang ‘mantsa’ na pag-iisip ng lipunan na kalakip ng pagiging bakla o homosekswal,
  • Koneksyon ng pag-aaral o science sa homosekswalidad
  • Pag-talakay ukol sa sikolohikal o pangkaisipang (psychological) aspeto para sa mga taong nabibilang dito, at sa kabataan.
  • Promosyon sa kaalaman, pagtanggap, pag-intindi o pag-unawa sa mga taong kabilang sa homosekswal o sa paksang ito ang mga bakla.



Ano nga ba ang kahulugan ng homosekswal sa diksyunaryo?

Ayon sa diksyonaryong Oxford, sa aking pag-intindi sa tagalog, ito ay ang sekswal na atraksyon sa kaparehong kasarian. Nabibilang dito ang mga sumusunod: lesbyan o tomboy, bakla o binabae, o LGBT, na kabilang sa third sex

Sa aking pananaw, ano ang bakla sa nakararami?

Ito naman ay hindi nalalayo sa panglahatang kahulugang matatagpuan sa ingles na pagsalin – ang bakla o binabae ay isang lalaki na may romantiko at sekswal na atraksyon sa kapwa lalaki. Ang kabilang dito ay maaring mag-kilos babae, mayroong din namang hindi halata na sa unang tingin ay aakalain ng isa na ito ay ‘totoong’ lalaki, mayroong mahinhin sa pag-galaw, nag-dadamit ng pang-babae at gumagamit ng kasuotan na para sa mga babae, gaya ng make-up atbp., – sila yung mga kalimitang may tiwala at masaya sa kanilang pagkakakilanlan. Mayroon din namang mga silahis kung tawagin, sila naman yung may tendency na maging bakla, o yung alam na nila ngunit, may mga dahilang pansarili kung bakit kailangan nila itong itago.  Mayroon din namang tinatawag na bisexual, sila naman yung maaring magkaroon ng atraksyon, romantiko o sekswal na atraksyon sa kapwa lalaki at sa babae. 

Meron din namang mga tago o hindi pa dumadating sa kanilang kaisipan na sila ay may atraksyon sa parehong kasarian, hindi pa natatanggap ang sarili, dahil sa sikolohikal at sosyal na mga kadahilanan o takot. Maraming mga online forums ang nagpapatunay sa kanilang istorya na sa kalagitnaan na ng kanilang buhay nila ito napagtanto. Marami ang may istorya na sa kahulihan ay dun din ang kanilang pagpunta, ang tanggapin ang sarili at umalis na sa iba’y malungkot na buhay ng pagkukubli. Ang iba naman ay nanatili na lang sa pagkukubli, dahil sa takot na maaring maidulot sa sarili, pamilya, kaibigan, ginagalawang lugar o kapaligiran at atbp. 

Gayun pa man ay dapat pa din nating irespeto ang mga taong ating pinaghihinalaan na sila ay bakla, at hindi dapat husgahan, bagkos ay tratuhin ng may pagrespeto sa kapwa. Sila ay dapat na tratuhin bilang isang tao, ng hindi tinitignan ang kasarian. 

Sapagkat sa napakaraming dahilan, hindi natin alam kung ano talaga ang kanilang motibo sa pagtatago ng kanilang totoong nararamdaman, kagaya nito ay ang identity crisis o yung nalilito sa totoong narararamdaman kung saan siya nabibilangang negatibong reaksyon ng magulang at mga kapatid sa loob ng tahanan, at dahil sa takot sa mga panghuhusga ng mga kamag-anak at ibang tao. Ang pag-husga at pagpaparamdam natin sa kanila na ito ay isang malaking bagay o issue, o dapat nilang ikahiya ay kalimitang nagtutulak para itago nila ito sa kanilang sarili, hanggang sa sila ay tumanda. Ito ang maaring dahilan ng kalungkutan at maaring magtulak na mamuhay sila sa ibang pagkakakilanlan kahit pa ay kalungkutan ang kapalit nito. 

Sa kabatiran ng lahat, walang sino man ang nagiging masaya sa hindi pag-tanggap sa sarili. Paano tayo magiging masaya kung ang totoong pagkakakilanlan ay pilit nating papalitan dahil lamang sa impluwensya ng nakapaligid sa atin at hindi ang kung ano talaga tayo base sa ating nararamdaman. Kahit ano pa man ang sekswalidad o pagkakakilanlan, dapat manaig sa kinalaunan ang pagmamahal, respeto sa ating sarili at sa ating kapwa, ito ay nagsisimula sa ating mga sarili, bago natin maipakita sa ibang tao – ano pa mang oryentasyon na tayo’y kabilang. 

Maraming mangmang na Pilipino ang may galit at poot sa mga taong kabilang sa homosekswalidad o sa usaping ito – ang pagiging bakla, sa kadahilanang hindi maganda ang mga natanim sa kanilang kaisipan ng lipunan, tungkol sa mga homosekswal na tao.

Nais ko po ay magbigay adbokasiya laban sa mga hindi patas na pagtrato ng mga Pilipino sa kapwa Pilipino, sa kadahilanang sila ay nabibilang sa third sex, ako man ay hindi din sumasang-ayon sa mga ibang maling gawi at hindi magagandang asal ng mga taong kabilang sa third sex, ngunit hindi ito nangangahulugan na lahat ng bakla ay kagaya ng isa. Lahat ng tao ay magkakaiba.

Sa mga kabataan naman na nakikitang may potensyal na kabilang sa third sex o bakla ay kalimitang: pagsuot ng kasuotang pang-babae, pag-sasalita ng parang babae, pag-kilos ng mahinhin o parang babae at pag-lalaro ng mga laruang pang-babae.

Ito ay mga kalimitang mga katangian ng isang bakla, ngunit hindi limitado ayon sa nakasulat lamang dito, sapagkat napakalawak ng paksang ito.
Ang isa sa mga katangian na nabanggit ay hindi nangangahulugan para mag-bigay ng konklusyon agad na ang isang indibidwal ay kabilang sa pagka-homosekswal o bakla. 

Agham at homosekswalidad

Ayon sa American Psychiatric Association (APA), ang taong kabilang sa grupo ng mga homosekswal ay minsang itinuring na isang sakit na pang-kaisipan, hanggang sa taong 1973 na napatunayang ito ay walang malinaw o wala pang malinaw na ebidensya o basehan.

Kahit pa ang mga mananaliksik sa larangan ng agham ay hindi naging matagumpay na makahanap ng patunay na dahilan kung bakit nagiging bakla ang isang lalaki. Ngunit, naniniwala ang mga sayantipiko na ito ay may kaugnayan sa usapin ng genetika, hormonal at mga impluwensya ng kapaligiran na kinabibilangan.

Marami ang pag-aaral na ginawa sa iba’t-ibang panig ng bansa, sa layuning malaman kung talaga nga bang genes o ika nga ay ‘nasa lahi’ ang pagiging bakla.

Marami ang debate ukol sa heredity o kung namamana nga ba ang genes ng bakla. Sa ngayon ay nananatiling hindi tiyak kung may kinalaman ito sa pagbuo ng sekswal na oryentasyon ng isang tao. Marami din ang mga sayantipikong nagsasabi na ito ay nabubuo dahil sa ‘kapaligiran’ lamang at ang atraksyon daw sa kaparehong kasarian ay maaring magamot o mabago (gay conversion therapy)

May mga artikulo na nagsasabing ito ay maaring magamot, may mga treatment o therapy na noo’y naglabasan para maging totoong lalaki ang isang bakla, ngunit sinasabi na masyadong kakaunti lamang ang ebidensyang ito ay epektibo, kalimita’y nagdudulot ng suliranin at pagkamuhi sa sarili, ayon sa ilang komento ukol dito. 

May mga naniniwalang maaring makagalaw ng malaya ang mga bakla, ngunit dapat raw ay maiwasan ang kalakip ng aktibidad na gaya ng: pakikipagtalik o romantikong relasyon sa kapwa kasarian o usaping legal ukol sa mga ito – gaya ng same sex marriage

Sa aking opinyon, ang layunin ng sinasabing ‘gay conversation therarpy’ ay mas makakasama at isang paraang pagtataguyod ng hindi pagtanggap sa sarili. (If it was as effective as it had claimed to be, then there should have also been a therapy converting straight guys and girls into their desired sexual orientation.)

Napakaraming artikulo at pag-aaral ang ginawa sa usaping homosekswalidad, ngunit nanatiling hindi pa din ito nagiging malinaw, at lahat ay teyorya lamang kung ang pagbabasihan ay isa lamang sa mga impluwensyang pinag-aaralan ng mga sayantipiko. 

Ganon pa man ay naniniwala ang mga sayantipiko sa ngayon, na ang pagiging bakla ay hindi pinili ayon lamang sa kagustuhan ng isang indibidwal. 

Kagaya ng isang isang tunay na lalaki ay hindi madidiktahan na maging babae, ang babae ay hindi madidiktahang maging lalaki, o ang bakla ay hindi madidiktahang maging totoong lalaki. 

Maari silang magpanggap, ngunit sa aking palagay at ng karamihan ay magdudulot lamang ito ng kalungkutan sa kalaunan at suliraning pang-sarili. Ito ay magdudulot lamang ng pangmatagalang kalungkutan.

Ang lahat ng tao ay may karapatang lumigaya ayon sa paraan na alam nya, hangga’t ito ay hindi nakakapigil sa karapatang mabuhay ng payapa at malayang paggalaw sa lipunan ng walang dulot na negatibo o panganib sa kaligtasan ng nakararami. Layunin ng bawat indibidwal na mahanap ang kaligayahan, ngunit sa kaso ng isang bakla, ito’y imposible kung ang pagtanggap sa sarili ay hindi makakamit – ano pa man ang dahilan. At lalong-lalo pa kung ang mundong ginagalawan ay tutol dito. 

Ano ang maaring maging mga senyales ng pagiging bakla na makikita sa murang edad pa lamang?

  • Pag-suot ng mga kasuotan at kagamitang pang-babae
  • Pagkilos na parang babae o pagiging mahinhin
  • Pagkakaroon ng mas matinding kagustuhang makalaro ang mga babae
  • Atraksyon sa kapwa kasarian
  • Atbp.

Anong edad makikita at malalaman ng isang indibidwal na siya ay kabilang sa mga bakla?

Ito ay walang eksaktong edad. Kung pakakaisipin ng walang pag-husga, na kung hindi bibigyan ng kahulugan o ng label ang bawat pag-kilos ng isang bata, at iiwasan ang pag-puna sa pamamagitan ng intensyonal at hindi intensyonal na pamamahiya dahil lamang sa kanilang pag-asal at pag-kilos na para bang sila ay  bakla – sa paraang pagkutya at pagkondena sa batang nagpakita ng potensyal ng pagiging bakla, ito ay lalaki ng may tiwala at pag-mamahal sa sarili

Ang bata na lalaki na ang nasa isip ay katanggap-tanggap sila sa mata at pananaw ng ibang tao ay hindi na nya kailangan pang isipin ang sasabihin ng ibang tao at alalahanin ang tungkol sa kanyang pagkatao, dahil walang pumupuna sa kanyang mga kinikilos. 

Hindi niya kailangang mag-alala sa bawat kilos at salita, hindi nila kailangang magkunwari. Matatanggap nila ang sarili ng mas maaga, at dahil dito ay magkakaroon sila ng tiwala sa sarili, na sila ay isang tao gaya ng iba na dapat rin na respetuhin at mahalin ng hindi tinitignan ang sekswalidad. At pag-nagkaganoon ay uunlad sila sa pagpapaibayo ng kanilang talento, skills at katalinuhan. 


Totoong Pangyayari sa isang 27 taong gulang na lalaki

“naalala ko noong hayskul ako, sa PE class namin. Kailangan ng bawat estudyante na makilahok sa larong basketbol, kahit na alam ko sa sarili ko na hindi ko gusto ang larong iyon at pakiramdam ko’y kantyaw lang ang mapapala ko (na huli’y aking napatunayan), akin pa din itong pinilit na gawin. May mga inaasahang galaw ang aming guro sa pag-lalaro kagaya ng pagiging maliksi at pag-kilos bilang isang batang lalaki dahil sa larong basketbol, ngunit alam kong hindi ko naabot iyon, ayon sa kanyang pamantayan sapagkat alam ko sa sarili ko na mahinhin ako."

"Ilang taon na ang nakalipas, pero sa gantong edad ko hinding-hindi ko pa din nakakalimutan ung mga binitawan nyang salita sa akin na nagparamdam sa akin na ako ay mababa, na walang silbi, mahina, walang binatbat at iba pang nakahihiyang komento."


"Pakiramdam ko ay natroma ako sa yugtong iyon ng aking buhay. Habang kinekwento ko ito’y pakiramdam ko na naroon pa rin ako sa sitwasyong iyon at nasasaktan pa din ako, kahit na sa gantong edad at matagal na’y tanggap ko ang aking pagiging bakla. Iniisip ko bakit kailangang maging pagsubok ang pagiging bakla upang mabuhay ng walang pangambang may kinalaman sa pagiging bakla sa mundo.”

“Sa harap ng mga kaklase ko, ako ay kanyang pinagalitan, mga salitang aking narinig ay ‘lalampa-lampa,’ ‘parang walang kinain,’ ‘hihinhin-hinhin.’ Naramdaman ko ang pagkahiya ng lubos at pag-kaawa sa aking sarili ng mga panahon na iyon. Sobrang baba ng sarili ko sa pagkakataong iyon. At sa pagkakaobserba ko ay tahimik, walang magawa at ako’y kinakaawaan ng aking mga kaklase, dahil sa mga salitang binitawan ng aking guro ng panahon na iyon, dahil alam kong batid nila sa aking mukha ang lubos na pagkapahiya."

"Ngunit wala lamang silang magawa. May ilan-ilang nag-ngingisian na parang nasisiyahan sa aking sitwasyon ng mga oras na iyon, siguro ay sila yung mga galit sa bakla o mababa ang tingin sa kauri ko. Simula noon parang natakot na ako na magpakitang gilas sa mga bagay na alam ko sa kahit ano pang larangan na ako ay may kakayanan, ay akin na lamang itinatago sa sarili." 

"Pakiramdam ko’y ang karanasang iyo’y naging dahilan para bumaba ang aking tingin sa sarili. Ang pagkawala ng tiwala sa sariling kakayanan, kahit pa’y alam ko sa sarili na kaya kong gawin ang isang bagay, ay pinanghihinaan na ako ng loob. Nagkaron ako ng takot makilahok sa talakayan, magtaas ng kamay kapag sa mga tanong ng mga guro tuwing nagdidiskusyon. Natutunan ko ang ganitong pananaw at mahirap ng matanggal sa isipan kahit pa alam ko na hindi naman ganoon ang lahat ng tao--na mababa ang tingin sa kauri ko.”


You see what damage that the teacher has done to him? Kung ang batang iyon ay iyong kapatid, anak or isang taong mahalaga sa atin, sa pagkakataong iyon, ano ba ang dapat nating maramdaman? 

Sa istoryang ito’y makikita kung ano ang naging epekto sa isang estudyanteng napahiya dahil sa kanyang pagiging bakla. Ang mga bata o teenager, partikular sa kasong ito, na isang hayskul ay vulnerable o di kaya’y madaling maapektuhan sa ilang bagay kagaya ng pamamahiya at ito ay maaring madala hanggang sila ay nasa tamang edad na.  Ang embarrassment ay hindi kaiga-igaya sa pakiramdam ng kahit na sino. Kung ito ay nangyari sa isang teenager na sa panahong iyon ay kumukuha pa lamang ng lakas ng isip at loob, at kahit papaano'y may kakayanan ng mag-isip. Ngunit papaano na lamang kung ito ay maranasan ng isang batang musmos pa lamang? 

Ang reaksyon ng isang tao ay iba-iba, ngunit bakit pa natin sasabihin o gagawin ang bagay sa isang bata o kanino man na may dulot na masama o kung alam naman nating hindi makakatulong kung sasabihin pa natin ang ating opinyon na negatibo ukol dito? 

Ang bagay na epektibo sa isa, ay hindi nangangahulugang epektibo ito sa lahat, kadalasan sa karanasan ng gender inequality ay nakasasama.

Walang eksaktong edad nakikita sa isang bata o sa kahit na anong edad kung kelan maaring lumabas ang pagiging homosekswal. Ngunit may mga pagkakataong sa murang kaisipan pa lamang ay alam na nila na sila ay bakla, dahil sa maraming paraan at maaring hindi nila alam basta ang alam lamang nila ay sila ay sila.  

Bakit nga ba ang bakla kadalasa’y tinatawag na ‘bakla’ na parang ito ay kapansanan o nakahahawa at kasuklam-suklam na sakit, ngunit sa mga totoong lalaki at babae naman ay hindi?

May mga taong ganito ang pang-uri at pagtrato sa mga bakla, hindi batid na kalimitan, ngunit hindi naman sa lahat ng pagkakataon – ito ay sa paraang derogatory – ang pagtingin at pagkomento dahil mababa ang tingin sa isang indibidwal dahil sa sekswalidad. Maliban na lamang kung ito ay pinahintulutan ng indibidwal na homosekwal o bakla.


Ngunit, kadalasan sa propesyonal na kapaligiran, pribado o kahit na sa anong lugar ng mga tao ay hindi kinagigiliwan, hindi iniingganyo dahil ito ay hindi kalugod-lugod o sa madaling sabi ay pagkawalang respeto o kabastusan.   

Ang dahilan kung bakit mababa ang tingin ng iba ay dahil sa kapaligiran. Ang kasabihang children learn what they live ay may kaugnayan kung bakit negatibo ang pagtingin ng ilan sa mga bakla at ito ay nagpapatunay lamang na kung ano ang nakikita ng bata sa matanda ay siya ring nagiging gawi o asal nito. 

Paano nga ba ang pagtanggap ng lipunan sa mga bakla sa Pilipinas sa mga kabataan?

Dahil sa maraming pinag-ugatan ng galit at takot sa mga bakla sa Pilipinas, gayon din sa ibang dako ng mundo, kalimitang ang bakla sa Pilipinas ay kinukutya, mababa ang tingin, kalimitang laman ng katatawanan o usapan at hanggang ngayon ay hindi pa din naiiwasang laitin at pagtawanan. 

Sa kadalasa’y ang bata (na kabilang sa ano mang edad) na kinakakitaan ng potensyal ng pagiging bakla ay dinidisiplina na parang ito ay maling pag-kilos o asal (being corrected like it’s some sort of bad behavior), pinapagalitan, pinagtatawanan at ginagawang laman ng usapan, ang iba’y tingin sa kanila ay problema at kahiya-hiya.

Ating nauunawaan ang mga taong nagtatrabahong propesyonal bilang mga bakla kagaya ng ilang personalidad upang magpatawa o ano mang paggananp, ngunit ang negatibong epekto nito ay ang pagtingin ng karamihan ng Pilipino na ganon din ang lahat ng tao na nabibilang sa homosekwal, sa usaping sekswalidad atbp., - (stereotyping) Mga malalaswang istorya na narinig tungkol sa isang bakla na tumatak sa nakararami. At ang tingin na iyon ay maaring maging general o tingin na sa lahat ng mga bakla. 

Hindi naman natin dapat isisi sa ating mga magulang o sa mga nakakatanda ang pananaw na ito, dahil ito ay may pinag-ugatan din ayon sa kanilang nakita, kinalakihan at paniniwala – na naipasa ng naipasa sa pagdaan ng panahon. Kaya naman sa mga panahong ito, kagaya ng pagsulat sa paksang ito, ay umaasa ako na magkaroon ng pag-babago sa pagtrato sa kanila. 

Layunin ng pagsulat na ito rin na mabasa ng mga magulang sa ngayon, sa hinaharap, at mga taong balak magpamilya na maari rin silang magkaroon ng anak na bakla. Kaya sana ay maging gabay ito kung paano sila dapat tratuhin. Hindi sila dapat kondenahin, bagkus ay dapat irespeto, para respetuhin ang sarili at ng sa huli ay respetuhin ng iba. 


Marami ang istoryang malungkot at ang iba ay nauwi sa pagkitil ng sariling buhay. Kailangan lamang ay ang intensiyon na maunawaan ang paksang ito at gumawa ng hakbang para malaman ang mga bagay at ng magawa ng tama ang tamang pag-trato sa mga bakla.

Bagama't naniniwala pa din ako na may iilang magulang, kapatid o kaanak na nakakatanggap sa pagiging bakla ng isang miyembro ng pamilya, dahil sa naobserbahang potensyal na pagiging bakla, bagama't ay naniniwala pa din ako na karamihan ng mga Pilipino ay ganon ang pagtanggap sa mga bata o taong nagpapakita ng potensyal na maging bakla, partikular sa sa edad mula 3 pataas--na silang mapanghusga na nagbibigay ng negatibong epekto sa pangkabuuang pagkatao ng isang musmos na bakla. 

Ang mga iyong hindi nagbibigay ng maganda at patas na pagtrato sa mga bakla ay tinatawag na mga ignorante o mangmang. Kaya naman na dapat sila ay bigyan ng edukasyon sa paksang ito. 

Kung pakakaisipin, isa ito sa mga dahilan ng hindi pag-respeto ng lipunan bilang isang indibidwal na bakla. Paano natin maituturo sa mga kabataan ang pag-respeto sa bakla o ung mga taong kabilang sa third sex¸ kung sa mismong sarili nating tahanan, ay ganon din ang pag-tingin o pagtanggap sa mga taong kabilang sa kanila. 

Diskriminasyon ayon sa pagkakakilanlan o sexual orientation

Marami ang may diskreminasyon dahil sa isang sekswalidad ng isang tao. Hindi nalalayo dito ang parehong problema ng mga lahing maiitim at mapuputi noong unang panahon sa America (racial discrimination) at sa magpasahangang ngayo’y nararamdaman pa rin ito ng marami. Ngunit sa tagal ng panahon ay nagiging matalino na ang mga tao lalo na yung mga kabilang sa 'first world countries', mga bansang mauunlad. Sila yung nangununa na tumatahak sa tamang daan na maisulong ang equality rights for LGBT community.  

Hindi maikakailang sa karamihan ng trabaho, ang isang tunay na lalaki o babae ay mas malaki ang posibilidad na matanggap, kesa sa isang bakla o yung out kung tinatawag kahit pa pareho ito ng kakayanan bilang manggagawa, gender discrimination ang tawag dito. 

Ano nga ba ang mga nakikita ng karamihan na dahilan kung bakit ito ay direktang hindi pinapaboran ng lipunan?

bakit proud tayo kapag ang anak natin lalaki o babae, pero kapag bakla bakit iba?

Kadalasan ay galit, minsan ay awa ang nararamdaman. Ang ibang mga magulang ay ikinakahiya sa mga taong nakapaligid na may anak silang bakla.

Ilan sa halimbawang dahilan ay may kaugnayan sa usaping relihiyon, standards, atbp. Ang pakikipag-relasyon o pakikipag-talik sa kagayang kasarian ay pinaniniwalaang mortal na kasalanan, kalaswaan, at may stigma o paniniwalang-kahihiyan na nakadikit sa salitang bakla.

Sa karamihang mga “mangmang” – ang ‘bakla’ ay nangangahulugan (but understated) at may katumbas o mas higit pa na kasalanan o imoral na gawain ng mga totoong lalaki o babae. Halimbawa: rapist, manloloko, mamamatay tao, salot sa lipunan, malaswa, at iba pang negatibong gawain.

Ngunit kung pakakaisipi’y ang kadahilanan ng pagkalugmok ng Pilipinas sa kahirapan ay kalimitang konektado sa mga ‘totoong’ lalaki at babae ng mga lider ng lipunan. Sabi nati’y salot sila sa lipunan. Ngunit sino nga ba ang ‘salot sa lipunan?’ 

Ang pagiging salot sa lipunan ay hindi konektado sa kasarian, ngunit sa mga bagay na ginagawa para sa kapwa at sarili. Ang pagiging patas, pag-mamahal at pag-lingkod sa kapwa ay hindi ekslusibong katangian ng isang totoong lalaki at babae lamang. 


Ito ay nakikita sa lahat ng uri at kasarian ng tao. Mayaman, mahirap, bakla, tomboy, lalaki, babae, bata o matanda. At kahit ano pang lahi at pinagmulan na bansa.  

Ano ang negatibong epekto ng ‘negatibong paraan ng pag-disiplina’ sa pangkaisipang aspeto ng isang batang nagpakita ng potensyal na pagiging bakla o yung kompirmadong bakla? 

Ang batang lumaki sa kutya at binibigyan ng negatibong disiplina sa mga gawing pangbakla (hal.: pagdadamit pangbabae, paglalaro ng mga bagay na pang-babae, pagkilos at pagsasalita na parang babae), ay may kaugnayan sa pag-hubog ng pagtitiwala sa sarili (self-confidence) o ng pag-papahalaga sa sarili (self-esteem). 

Marami ang mag-sasabi na ang pananamit ng ilan ay hindi na tama, kaya sila ay kinamumuhian. Totoo, pero hindi lahat. At hindi lahat ng totoong lalaki at babae ay akma manamit sa lahat ng pag-kakataon. 


Hindi natin maaring ipilit sa isang lalaki na maging babae, na maging lalaki ang isang babae, at gayon din ang isang taong kabilang sa homosekswal– ang bakla. 

Hindi ninoman pwedeng sabihin na ganito o ganiyan dapat ang dapat maramdaman ng isang tao. Hindi ayon sa opinyon ng isang tao lamang. Hindi natin maipipilit sa ating sarili o kanino man na dapat ang mahalin o ang gustuhin ng isang tao ay isang babae o lalaki lamang.  Hindi ito ang paraan ng pagtuturo ng pagiging totoo sa sarili. 


May kasabihang ‘ang katotohanan ang siyang makakapagpalaya sa atin’. Ngunit ang ganitong prinsipyo ay kabaligtaran sa mga totoong nangyayari sa buhay, kung ipapasok dito ang karapatan ng isang tao, pero bakla. Dahil ang pagiging totoo ng mga bakla ayon sa kilos, salita at gawa, ay kinakamuhian ng karamihan. 

Hindi mahalaga kung ang bata man ay totoong lalaki sa isip, kilos, gawa o salita, bagkos kung paano natin pinaramdam at pinakita kung paano natin sila tratuhin ng sila ay musmos pa lamang, hindi alintana ang kinabibilangang kasarian o seksuwal na orentasyon (sexual orientation). 

Pinaniniwalaan na kung ano ang nakita ng bata ay siyang ginagawa kapag sila ay lumaki na. Kung ano ang ipinakita ng mga nakakatanda ay gayun din ang huhugutan at kamumulatan nila - aasahan na pag-trato sa kanila o pag-trato nila sa kapwa.


Tayong mga nakatatanda ang ang siyang magiging gabay nila upang tratuhin ng maganda ang bawat kapwa. Kung sila ay hindi ginagalang o nirerespeto sa loob ng tahanan o saan mang kapaligiran, sa murang isipa’y aakalaing ito ay tama. 


Ito ang kanilang magiging pundasyon kung ano sila sa kanilang pag-laki, at ang kahalagahan sa lipunan.

Karamihan sa mga eksperto na naniniwala na ang pamamaraan ng pagdisiplina o pag-puna laban sa isang batang bakla, ay hindi nakakatulong, bagkos ay nagdudulot ng pang-matagalang pag-agam-agam sa sarili, kawalan ng tiwala sa kakayanan at talento. Kahit pang minsa’y pagiging produktibo ang kanilang ideya, maganda, patas at pagiging makatotohanan ay maaring mapigilan kung sa murang isipan ay nakondena na dahil lamang sa dahilang sila ay kabilang sa mga bakla.

Ang isip ng maliliit na bata ay isang blankong papel na kung saan ang ano mang isusulat sa papel na iyon ay magiging sanggunian nila kapag sila ay lumaki na. 

Paniwalain nating sila ay pangit at walang magandang katangian, sa paglaki at pagtanda nila ay ganon ang kanilang paniniwalaan. Kadalasan, ngunit hindi sa lahat ng pagkakatao’y, magsisilbing harang upang umunlad bilang kapaki-pakinabang na indibidwal sa lipunan. (We are causing them for whatever they become later on in their life)

Sa blankong papel na iyon, kapag puro kutya at negatibong bagay ang naisulat habang nasa loob ng tahanan at gayon din sa kapaligiran, ano kaya ang magiging pundasyon o ang pagharap nila sa hinaharap? 

Nakatulong kaya ang mga negatibong bagay na narinig nila sa atin tungkol sa kanilang sekswalidad o lalo lamang nito sisirain ang pagmamahal at pagtitiwala sa kanilang sarili at sa kalauna’y sa ibang tao? 

Kailangan nilang matutunang mahalin ang sarili, bago sila mag-mahal ng kapwa. Paano at saan dapat na magsimula ang mga bagay na ang sangkatuha’y inaasahan na kanila na dapat daw na i-asal. Ang pagtanggap at pagmamahal? Hindi ba’t sa una’y sa tahanan? Paano sila magpapakita ng pagmamahal sa ibang tao, kung sa sarili nila’y hindi nila ito natutunan, nakita at naramdaman sa loob ng tahanan, dahil lamang sila ay bakla?  

Na kung saan ma’y kung ang blankong papel na iyon ay kung sinulatan ng mga magagandang bagay: paniniwala, pag-mamahal, pag-respeto sa kapwa, sa sarili – ng hindi alintana ang sekwalidad. Maari ay mas handa silang kaharapin ang anumang pag-subok na kanilang kakaharapin. Maaraing mas matibay, mas may tiwala sila sa kanilang sarili upang ipakita ang kanilang talento ng walang takot. At pagyamanin ang natutunan.

Ang pagtanggap sa ating mga anak, hindi alintana ang kanilang sexwalidad, ay hindi nangangahulugan na tayo ay mapagpabayang magulang para sa ating mga anak, sa wastong gulang na sila ay magkaisip, hindi ito ang dahilan upang sila ay malapit sa droga, sa malalaswa at masasamang gawain. Kahit ano pa ang sekwalidad ng isang tao. 

Ang bakla ay hindi nangangahulugan ng kalaswaan. Ang bawat taong biktima ng stereotyping sa salitang bakla ay hindi kasalanan ng lahat ng bakla at ganon din ng lahat ng uri ng kasarian o sekswal na oryentasyon.

Mga katotohanan sa pagiging bakla  (Facts about being gay) 

1. Hindi pinili ng isang tao na maging lalaki, hindi pinili ng isang babae na maging babae, hindi din pinili ng isang bakla ang maging bakla. 

Partikular sa mga bakla, hindi nila pinili ang maging kabilang sa mga bakla. Hindi pinangarap ng sino man ang maging bakla lalo pa't mahirap ang pagtanggap ng lipunan at mga pag-subok na kakaharapin tungkol dito. 

Kung ito ay choice o pagpili, sa palagay ko ay lahat o mas madami ang mga bakla na sa simula pa lamang ay hindi na sana nila pinili ang daan upang mapag-daanan ang kutyain, husgahan, pag-tawanan, ipahiya at gawing paksa ng karamihan. Ang lahat ng ito ay may epekto na troma, at sa kabuang pagkatao. 

2. Ang pag-kutya, pag-puna, ng pagiging bakla ng isang bata ay hindi makakatulong. Halimbawa, pananakot sa nakababatang kapatid, pinsan, o ninoman. 

Kalimitang ang pagtrato ng mga Pilipino sa bakla, o ang pagbibiro patungkol sa kanilang sekswalidad sa musmos na bata pa lamang. Halimbawa, sasabihin sa bata ‘sabihin mo nga, lalaki ako!’. At ito naman ay gagawin ng bata sa paraan na kanyang alam at natural (kung sya man ay mahinhin). At sa huli’y tatawanan ng mga taong nakapaligid. Ito po ay paraan ng pagpapahiya ng mga mangmang at insensitibong indibidwal.

Ito ay maaring magdulot ng lubos na pagkapahiya sa isang bata na maaring magdulot ng matagal na epektong sikolohikal, pagkawala ng tiwala o bilib sa sarili. Ating pakatandaan, sa murang isipa’y hindi maaring asahan o bigyang expectations ang pagkilos at pananalita, na ayon sa standards ng mga lalaki, ayon sa pamantayan ng isa at pananaw ng mga tao.

4. Nabu-bully sa eskwelahan kasama ang iilang mga guro

Marapat na alamin o kausapin ang guro ng inyong anak, kapatid na nakababata o kung kayo man ang guardian ng bata na ating pinaniniwalaang bakla o may potensyal na maging bakla – kung sila ba ay nabu-bully o nagiging laman ng tuksuhan o pag-pupuna sa kanilang sekswalidad.

Kapag ganon ang mangyayari ay maaring dumaan ang bata sa social isolation, o mag-dulot ng social withdrawal. Ito ay maaring makapag-limita sa potensyal at natural na kagalingan at katalinuhan ng inyong anak.

Sila ay dapat nating protektahan sa mapanirang pagpuna o destructive criticism. Paki-usapan ang mga guro, prinsipal  o school admin na gabayan ang inyong anak sa usaping nabanggit. Hindi naman po natin itong inilalahat, ngunit alam ng karamihan na may mga guro o propesor na ginagawang katatawanan ang usaping tungkol sa homosekswalidad.

Ito ay kalimitang walang kaso sa mga taong panatag sa pagiging bakla o tanggap na ang sarili. Ngunit, wag magpakasiguro dahil madami ang kahit tanggap sa sarili ang pagiging bakla ay madalas na naiinsulto pa din kapag ito na ang pinag-uusapan, ginagawang paksa at napagtatawanan.

May mga pagkakataong ang mga kaklase na namumuna at nangungutya sa kakalaseng bakla ay siya ding tinatawanan ng guro, ginagawang maliit na bagay ngunit ang totoo'y nakasasama na pala ito sa bata. 

5. Wala o kakulangang edukasyon sa mga bakla. Sa mga texto, materyal, libro na makikita at sanggunian ng mga mag-aaral sa eskwelahan ng elementarya at haysul, mayroon na bang edukasyon ukol sa pagiging homosekswal, suliranin at paraan na nararapat na pagtrato sa kanila, na may parte ng diskusyon at pagsusulit--na matatagpuan sa paaralan? Sa aking palagay, WALA…. Kaya naman ay nananatiling marami ang mangmang sa ganitong talakayan. 

Kung kaya naman natin na maipasok ang ating anak sa isang paaralan na maayos ang kapaligiran, ito po’y ating gawin. Karamihan ng mga nabu-bully na bata ay yung mga nasa pampublikong eskwelahan at may ilan din namang nasa pribadong eskwelahan. 

Ngunit, hindi din naman garantiya ang presyo ng kanilang matrikula. Mabuting alamin ang core values at polisiya ng isang institusyon at magtanong-tanong sa mga kakilala kung ano ang klase ng kultura sa loob ng paaralan na nais nyong pagpasukan ng inyong anak lalo pa at sila ay nakikitaang maaring kabilang sa mga batang may suliranin sa kanilang pagkatao bilang bakla. 

H’wag manghinayang sa imahe ng pagkaprestihiyoso ng isang paaralan, kung ang inyong anak naman ay nagkakaron ng suliraning pang emosyonal, dahil sa trato sa kanila sa kanilang eskwelahan. Maari ring kausapin ang anak. 

Sa dami ng mga estudyante lalo na sa mga pampublikong paaralan, kadalasan ay hindi lahat natututukan ang akala ng iba'y maliit na suliranin ng pagiging bakla.

6. Bilang magulang, marapat lamang na ating alamin ang tamang paraan at tamang panahon kung kalian natin nais na itanong sa ating anak kung sila nga ba ay isang bakla. May mas magandang paraan ng pagtanong upang mas maging bukas sa atin ang ating mga anak ng walang pangamba na sila ay mapahiya.

Halimbawa, “Anak, mahal ka namin ng iyong mga magulang at ng iyong mga kapatid, kahit ano ka pa at gusto mo, basta lahat ng iyong ginagawa ay makabubuti sa iyo, ay susuportahan ka namin at mamahalin kahit ano pa man at ano pa ang iyong kasarian.” 

7. Bilang magulang, walang unang tatanggap sa ating anak kundi tayong mga magulang, kapatid o kamiyembro ng pamilya. Kung kayo man ay hindi kumbinsido sa aking sinabi na ang pagiging bakla ay hindi isang desisyon ng isang indibidwal, akin ‘pong isusuhestiyon na kayo’y kumunsulta sa ibang mga eksperto o gumawa ng sariling pagsasaliksik ukol dito.  

Ang ating mga anak ay nahaharap sa mapanghusgang kapaligiran at bansa patungkol sa homosekswalidad, dahil sa mga konserbatibong paniniwala.. H’wag na natin dagdagan pa ang bigat ng suliranin ng mga taong kabilang dito, bagkos ay sila ay tanggapin, mahalin at irespeto bilang isang tao ng hindi issue ang kasarian. At ating pagtibayin ang kanilang loob upang tanggapin, mahalin at maniwala sa sarili. 

Kung tayo pa mismo ang mag-uudyok sa kanila para itago ang totoo bilang sila, na bilang kabilang sa mga homosekswal, paano natin sila tutulungang magkaron ng pagmamahal, bilib o tiwala sa sarili?

Paano nila mararamdamang sila ay nasa sarili nilang tahanan, kung ang pagtanggap sa lugar na kanya’y kinabibilangan ay may nag-babadiyang panghuhusga at hindi pag-tanggap, paano pa sila mamumuhay ng payapa? Baka kahit sa isip ay hindi na nila magawa.  

8. Para naman po sa mga ladlad sa tagalog o yung mga openly gaysrespetuhin po natin ang mga tagong tao, mga kalimitang tinatawag na paminta o kung sino man na inyong pinaghihinalaan na kabilang sa pagiging bakla, lalo pa at hindi naman ito nakakasama sa inyong pagkatao o pang-personal na kapakinabangan. 

Kung ayaw pa nila sabihin, o hindi pa sila bukas sa usapin, dapat po ay atin silang respetuhin. Hindi po marapat na ito ay itanong, lalo pa kung tayo ay walang kinalaman sa pribado nilang buhay, o malalim na relasyon sa kanila (that will be offensive)

Kapag sila ay naging komportable na ay sila din mismo ang mag-tatapat, ngunit ito ay matagal na proseso. Yung mga nag-tatago po ay may mga dahilan na hindi natin pwedeng maunawaan sa ngayon dahil sa personal o pribadong dahilan. 

Ang pagiging bakla ay hindi nangangahulugan agad ng pagkakaroon ng malawak na kaalaman ukol sa usaping ito. 

Sa agham at pagsasaliksik ang pinag-uusapan. Sa mga lantaraang bakla, ang pagiging bakla ay hindi dahilan upang maging mangmang at walang alam sa ganitong usapin upang maging insensitibo sa pakiramdam ng taong may dinadanas na suliranin dito. Ang ibang bakla ay sila din mismo ang siyang sumisira ng imahe ng pagiging bakla sa pagkakaroon ng matabil at mapanghusgang dila, at lantarang panghihiya sa kapwa o pagiging hindi sensitibo sa mga salitang binibitawan at gagawin. Huwag po tayong maging mangmang. 

9. Ang mga nabibilang naman sa mga ‘tago’, hindi pa handa o hindi pa nila tuluyang nauunawaan ang kanilang sarili, may pangamba sa usaping ito, o may mga katanungan sa sarili ay mas makabubuting makipagusap sa mga eksperto, sa may mga pinag-aralan ukol sa usaping homosekswalidad.  

Mahalaga ang pagkonsulta sa mga psychologists, doctors specializing in the area, upang ati’y maunawaan ang pinagdadaanan ng ating mga kaanak o kapamilya at malaman ang mga hakbang para malampasan ang mga kaakibat na suliraning maaring daanan ng isyu ukol sa homosekswalidad.  

11. Hindi dahilan ang walang anak, kapatid o kaanak na bakla upang hindi maturuan ang pag-respeto sa mga bakla. Napakahalagang maituro sa ating mga anak ang salita at kung paano ang pagrespeto sa kapwa ng hindi hinuhusgahan ang kasarian. Ang mga taong totoong lalaki at babae na tumatapak, bumu-bully sa isang bakla o tomboy ay unang repleksyon ng tahanan dahil ito ang unang paaralan ng bawat indibidwal. 

Kaibigan, kung ikaw man ay may correction, katanungan o suhestiyon, maari lamang pong isulat sa ibaba. Maraming salamat. 

Please go to these links for further readings:


Comments